Sugatan at dinala sa ospital ang isang babae matapos siyang mabundol ng isang motorsiklo habang tumatawid sa pedestrian lane sa Mangaldan, Pangasinan.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Salay ang kambal na babae na tumawid sa pedestrian lane.
Pero bago pa ganap na makatawid ang isa sa kambal, sumulpot ang motorsiklo at nahagip ang biktima.
Sugatan ang biktima at dinala sa ospital.
Inako umano ng rider ang gastusin sa pagpapagamot sa biktima.
Paalala ni Franklin Campued, chairman ng Barangay Salay, sa mga motorista, magmenor o bagalan ang takbo kapag may nakitang pedestrian lane.
Sa Sto Domingo, Ilocos Sur, isang anim na taong gulang na lalaki ang nasugatan din nang mabundol ng motorsiklo.
Ayon sa pulisya, tumatawid ang bata kasama ang mga magulang nang mangyari ang insidente.
Napag-alaman na walang lisensiya ang rider ng motorsiklo.--FRJ, GMA Integrated News