Ilang araw matapos maganap ang karumal-dumal na pagpatay at panggagahasa sa isang 28-anyos na babaeng architect, isang lalaki ang dinukot umano, at may dalawa pang nawawala sa Calinan, Davao City. Ang pulisya, inaalam pa kung konektado ang mga insidente sa rape-slay case, o nagkataon lang.
Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV nitong Huwebes, sinabing Biyernes ng gabi nang huling nakita si Dennis Panzan, 23 -anyos, na katiwala sa isang meat shop.
Kinabukasan, magulo na umano sa tindahan at wala na si Panzan. Pero bago ito mangyari, ilang lalaki na nagpakilala umanong mga pulis ang nagtungo sa tindahan at nagtanong tungkol sa sinapit ng babaeng architect.
Pero noong Lunes, may nakakita kay Panzan na nakaposas at may packaging tape, at dinala siya sa Taloma Police station.
Makaraang sabihin umano ni Panzan na dinukot siya, nawalan siya ng malay at kinalaunan ay binawian ng buhay sa ospital.
Ang nakakita umano kay Panzan na si Rodrigo Cadungog, 56-anyos, hindi na nakauwi sa bahay matapos magpaalam sa asawa noong Martes na maghahanap ng trabaho.
Hindi na rin nakita mula noong Sabado ng hapon ang 19-anyos na si Kent Laurence Espinosa, na pinaniniwalaan ng kaniyang mga kaanak dinukot din.
Iginiit ng mga kaanak nina Panzan at Espinosa, na walang kinalaman ang kanilang mga mahal sa buhay sa nangyari sa babaeng architect, na nakita ang bangkay na tinakpan ng mga dahon ng saging.
Ayon sa Davao City Police, iniimbestigahan pa kung konektado sa rape slay case ang mga insidente ng pagdukot at pagkawala ng ilang kalalakihan.
Inihayag naman ni Barangay Matina Pangi chairman Benjamin Badon, na isang Cadungog ang nagdala sa kaniya kay Panzan matapos na makita ang kalagayan nito na nakaposas at may takip sa mukha.
May apat na lalaki na nagpakilala umanong pulis ang nais na kumuha kay Panzan pero hindi siya pumayag dahil tumawag na siya sa Talomo Police Station.
Bigla na lang umanong nawala ang naturang mga nagpakilalang mga pulis. --FRJ, GMA Integrated News