Nagkaroon ng pagguho ng lupa at mga bato sa ilang lugar sa Cordillera region dahil sa masamang panahon.
Iniulat ng Unang Balita nitong Huwebes na dumaodos ang mga bato at lupa pababa ng Kennon Road sa Benguet, kasunod ng paglambot ng lupa dahil sa naranasang pag-ulan.
Nagsagawa na ng clearing operation sa lugar, ayon sa ulat.
Sarado din ang bahagi ng Mountain Province-Ilocos Sur Road via Cayan dahil sa pagguho ng lupa.
Samantala, katamtaman hanggang sa malakas na ulan ang naranasan sa Baguio City dahil sa hanging Habagat.
Mga pag-ulan ding dala ng Habagat ang naranasan sa ilang bahagi ng Bataan sa Central Luzon.
Habagat din ang dahilan ng pag-ulan sa lalawigan ng Aklan. —LBG, GMA Integrated News