Patay sa pamamaril ng mga salaring sakay ng motorsiklo ang isang radio broadcaster sa Calapan City, Oriental Mindoro. Ang isa sa dalawang suspek, namatay sa "aksidente" nang habulin ng anak ng biktima.

Kinilala ng Police Regional Office (PRO) MIMAROPA ang biktima na si Cresenciano Bunduquin, 50-anyos, na pinagbabaril sa harap ng isang sari-sari store dakong 4:20 a.m. nitong Miyerkules.

Sa inilabas ng pahayag ng PRO- MIMAROPA, sinabing tumakas ang dalawang salarin sakay ng motorsiklo.

Sa hiwalay na pahayag mula kay PNP public information office chief Police Brigadier Redrico Maranan, sinabi nito na isang Special Investigation Task Group ang binuo para lutasin ang naturang krimen.

Sinabi ni Maranan na inutusan ni PNP chief Police General Benjamin Acorda. Jr ang Police Regional Office 4B at Calapan City Police Station, na bilisan ang imbestigasyon para matukoy ang mga salarin.

“The PNP will establish a Special Investigation Task Group to handle the investigation. This will pave way for a deeper probe to expedite the gathering of pieces of evidence and testimonies,” ani Maranan.

“We are maximizing our efforts to get more pieces of evidence and testimonies in order to shed light on this incident and facilitate the immediate arrest of the perpetrators,” dagdag ni Maranan na chief focal person din ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS).

Ayon sa PRO MIMAROPA, komentarista ng DWXR 101.7 Kalahi FM MUX Online Radio ang biktima.

Hinabol ng anak ng biktima

Batay sa inilabas na update ng PRO-MIMAROPA sa naturang krimen, sinabi nito na nasawi ang isa sa mga suspek nang aksidenteng mabangga ng anak ni Bunduquin ang motorsiklong sinasakyan ng tumatakas na mga suspek.

Kinilala ang nasawing suspek na si Narciso Ignacio, na nagtamo ng pinsala sa ulo na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Nakatakas naman ang kaniyang kasama, ayon sa pulisya.

Mayroon din umanong isang person of interest ang pulisya sa kaso, ayon kay Police Colonel Samuel Delorino, hepe ng Oriental Mindoro Provincial Police Office at Special Investigation Task Group commander.

“Follow-up operations and leads from the pieces of evidence gathered at the crime scene, members of the SITG have already identified a person of interest,” ani Delorino.

“We will update the public with details as to the development of the investigation. We guarantee to bring swift justice to the victim and his family,” sabi pa niya. —FRJ, GMA Integrated News