Isang lalaki na suspek sa pang-aabuso ng mga bata sa isang bahay-ampunan sa Digos City, Davao del Sur ang nasawi matapos na mang-agaw umano ng baril ng pulis habang nasa police station.
Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Huwebes, sinabing isinasailalim sa "booking procedure" ang 27-anyos na suspek nang sunggaban nito ang baril ng isang pulis.
Nagpambuno umano ang dalawa sa baril hanggang sa pumutok pero wala namang tinamaan. Nang marinig ng isa pang pulis ang putok, nagtungo ito sa kuwarto kung saan ginawa ang booking procedure at binaril nito ang suspek.
Isinugod pa ang suspek sa ospital pero binawian din ng buhay.
Ayon sa pulisya, unang dinakip ang suspek na anak ng caretaker sa isang bahay-ampunan na pinamamahalaan ng isang non-government organization dahil sa alegasyon ng pangmomolestiya sa mahigit limang bata, kabilang ang isang child with special needs.
Nalaman umano ang kahalayan na ginawa ng suspek nang magsumbong ang mga bata sa kanilang guro.
Inaresto rin ng mga awtoridad ang caretaker na ama ng napatay na suspek. —FRJ, GMA Integrated News