Nakaranas ng panghihilo, panghihina at pagsusuka ang nasa 45 estudyante matapos silang makakain ng maruya na nahaluan ng tawas imbes na asukal na ibinenta sa kanilang paaralan sa M'lang, Cotabato.
 
Sa ulat ni Sarah Hilomen Velasco ng GMA Regional TV One Mindanao, sinabing patuloy na inoobserbahan sa ospital ang 15 sa mga estudyante ng Palma Perez Elementary School matapos ang insidente noong Lunes.
 
“Ni-ring ko talaga ‘yung bell para kung sino ‘yung nakakain ng saging, pumunta kaagad sa office para mabigyan namin ng first aid,” sabi ni Ma. Elna Jontongco, principal ng Palma Perez Elementary School.
 
Dinala sa ospital ang mga apektadong estudyante sa tulong ng barangay.
 
Nagdala rin ng sample ng maruya upang matukoy kung may kaugnayan ito sa pagsusuka ng mga mag-aaral.
 
“Confirmed na tawas na powder. ‘Yun ang nagamit sa pagluto ng Maruya na si-nerve roon during recess time,” sabi ni Dr. Glecerio Sotea ng M'lang, Cotabato Municipal Health Office.
 
Sinabi ng principal na ang vendor ng maruya ay isa sa may sertipiko mula sa eskuwelahan na pinahihintulutang magbenta, at dumaan din sa tamang food handling kaya hindi niya ito sinasadya.
 
Humingi na ng paumanhin ang vendor sa mga naapektuhang estudyante.
 
Siniguro naman ng pamunuan ng paaralan na mas hihigpitan pa nito ang pagpapatupad ng food safety sa kanilang accredited vendors para hindi na maulit ang insidente.
 
Ang lokal na pamahalaan naman ang sasagot sa lahat ng gastos sa pagpapaospital at gamot ng mga naapektuhang mag-aaral.

Sa ulat naman ng Balitanghali nitong Miyerkoles, ikinuwento ng ilang estudyante na mapakla ang lasa ng puting powder na inihalo sa saging. 

Nakalabas na sa ospital ang 30 sa mga nabiktimang estudyante.
 
Ayon kay Sotea, nakita sa CCTV ng tindahan na pinagbilihan ng maruya vendor na tawas ang nakuha sa eskaparate. —VBL, GMA Integrated News