Kahit nakasilong na sa kubo, hindi pa rin nakaligtas sa tama ng kidlat ang tatlong magkakamag-anak sa Samal, Bataan. Ang kidlat, una raw tumama sa puno ng niyog.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, kinilala ang dalawang nasawi na magtiyuhing sina Kevin at Elvin Sacris.

Nasugatan pero nakalabas na ng ospital si Eddie Sacris, na ama ni Kevin.

Ayon sa mga awtoridad, nangyari ang trahediya sa Barangay Palili habang nakasilong ang tatlo sa isang kubo na nasa tabi ng mataas na puno ng niyog.

Nang biglang kumidlat, tinamaan ang puno, at tumama naman ang kuryente nito sa kubo na kinaroroonan ng mga biktima.

"Yung pinakakuryente, tumama sa kanila. Hindi sila yung totally direct hit o direct struck ng kidlat," ayon kay Jason Gloria ng Samal DRRM Office

Ayon sa MDRRMO, gawa sa metal ang bubungan ng kubo. Pinayuhan ng awtoridad ang publiko na mas mabuti na manatili na lang sa bahay kung nagkakaroon ng pagkidlat.--FRJ, GMA Integrated News