Kahit na namamangha, hindi maiwasan ng mga residente sa Mariveles, Bataan na mangamba matapos nilang mamataan ang liwanag na kulay pula o dugo sa kalangitan. Ito na nga kaya ang phenomenon na Aurora Borealis sa Pilipinas, o hudyat ng isang digmaan sa lugar?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” nag-imbestiga ang team at napag-alamang hindi ito ang unang pagkakataon na nakita ang misteryosong pulang ilaw sa langit sa Mariveles.

Paliwanag ni Engr. Mario Raymundo, Chief ng PAGASA Astronomical Publication and Planetarium Unit, nakikita lamang ang Aurora Borealis sa may bandang northern o southern latitude, kaya imposibleng ito ang naturang phenomenon.

Bukod dito, wala rin silang nabantayang kakaibang event noong makita ang pagpula ng kalangitan sa Mariveles.

Sa panig naman ng Mariveles MPS, wala rin silang natanggap na report na tungkol sa pagbabarilan umano.

Ngunit sa katabing bayan ng Limay, ikinuwento ng residenteng si Bernadette Matawaran na nakunan ng kaniyang kaibigan ang pagpula ng kalangitan sa video.

Ang video ay kinuha malapit sa oil refinery sa kanilang bayan, kung saan ang liwanag ay posibleng nagmula sa mga ibinubugang apoy o flare stack o gas flare.

Ito ang posibleng dahilan kung bakit nagkukulay dugo ang kalangitan.

Sinegunduhan ito ng Bureau of Fire Protection sa Limay.

“Kaya po nag-produce siya ng ganu’ng kalaking apoy, kasi marami po siyang mga by-products sa kanilang mga proseso. Gas flare po ang tawag doon o flare stack. Nagkakaroon po tayo ng mga build-up of unwanted gases,” paliwanag naman ng chemist na si Reuben James Rosal.

“‘Yung unwanted gases po na iyon ay bini-burn ng ating mga planta para mas maging safe,” dagdag ni Rosal.

Sinabi ng BFP sa Limay na walang dapat ipag-alala sa nakikitang pulang liwanag. —LBG, GMA Integrated News