Patay sa pamamaril ang isang 23-anyos na lalaki na kalahok sa isang male pageant sa Cagayan de Oro nitong Martes ng gabi. Ang biktima, kabababa lang ng motorsiklo at binaril sa ulo matapos alisin ang suot na helmet.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na Adrian Rovic Fornillos, kinatawan ng Barangay Lapasan sa Mister Cagayan de Oro 2023.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagtungo sa Barangay Nazareth ang biktima para magsanay ng kaniyang talent performance sakay ng motorsiklo.
Pagbaba ng motorsiklo, nilapitan ng mga suspek ang biktima at binaril sa likod ng ulo. Naisugod pa sa ospital si Fornillos pero binawian din ng buhay.
Nakatakas naman ang mga suspek sakay ng kulay puting tricab, at inaalam ng mga awtoridad ang kanilang pagkakakilanlan.
Sinabi naman ni Police Lieutenant Colonel Evan Vinas, spokesperson, COCPO, na inaalam pa nila ang motibo sa krimen. Kasama sa kanilang titingnan kung may kinalaman ang krimen sa sasalihang pageant ng biktima.
Nanawagan naman hustisya ang pamilya ni Fornillos.
Sa pahayag na inilabas ng Mister Cagayan de Oro 2023 organization sa Facebook post, nagpaabot sila ng pakikiramay sa mga naulila ni Fornillos na inilarawan nilang, "happy, thoughtful, and generous person." -- FRJ, GMA Integrated News