Sa limang unibersidad sa abroad na inaplayan, pasado ang isang babaeng estudyante mula sa Bicol region para makakuha ng college scholarship na abot sa P29 milyon ang halaga.
Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV News nitong Martes, ikinuwento ng estudyanteng si Ruth Ann Celones, na pawang sa Amerika sila isinilang ng kaniyang tatlo pang kapatid.
Pero dahil sa krisis sa ekonomiya, nagpasya ang kanilang magulang na iuwi sila Pilipinas, at dito na manirahan.
Sinabi ni Celones na hindi naging madali ang kanilang pamumuhay sa Pilipinas pero sinikap silang itinaguyod pa rin ng kanilang mga magulang.
Kaya naman nais niyang suklian ang pagsasakripisyo ng kaniyang mga magulang sa pamamigitan ng ibayong pag-aaral.
Ngayong papasok na siya sa kolehiyo, pinayuhan siya ng kaniyang guro na subukan na mag-apply ng scholarship sa abroad. Sa limang inaplayan niya, pumasa sa lahat si Celones.
Aabot sa P29 milyon ang katumbas na halaga ng scholarship na nakuha ni Celones. Para sa kursong International Relation, pinili niya ang Oral Roberts sa Oklahoma, USA, na isang Christian university.
"Laging mag-persevere. No matter how hard you work ngayon parang walang bunga pero at the end of the day, magbubunga rin 'yan. Keep working," payo ni Celones.--FRJ, GMA Integrtaed News