Nakadetine na ngayon ang isang pulis matapos siyang tumungga ng alak, sumayaw na parang nagpa-party, at manuntok pa umano sa gitna ng isang religious activity sa Lapu-Lapu City, Cebu.
 
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, sinabing hindi na nakunan ng aktwal na video ang panununtok umano ng pulis sa event.
 
Base sa reklamong isinampa ng Police Station 5, lasing umano si Police Master Sergeant Manfred Maarat nang pumunta sa lugar, na bitbit ang dala-dalang alak.
 
Hindi rin siya kasama sa religious activity at basta na lamang pumasok sa loob.
 
Nambulabog din ang pulis ng mga miyembro ng simbahan.
 
Nasa prosecutor’s office na ang mga reklamo na slight physical injuries at interruption of religious worship laban kay Maarat, na tauhan ng Lapu-Lapu City Police.

Mahaharap din sa reklamong administratibo ang nasabing pulis.
 
Nakadetine na sa custodial facility ng Lapu-Lapu City Police si Maarat, na sinubukang kunan ng pahayag ng GMA News ngunit tumangging humarap sa camera.
 
Base sa impormasyon mula sa Police Regional Office 7, dati na ring may mga kinasangkutang insidente ang pulis dahil sa madalas niyang paglalasing. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News