Natagpuang wala nang buhay sa bukid ang isang 60-anyos na magsasaka dahil umano sa heat stroke sa Magsingal, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV, kinilala ang biktima na si Oliver Ugale, residente ng Barangay Panay Sur.
Ayon sa pamilya at mga awtoridad, heat stroke ang nakikitang dahilan ng pagpanaw ng biktima. Hindi rin nakitaan ng pasa sa katawan si Ugale.
Agad ding inilibing ang biktima.
Nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na iwasang magbabad sa init ng araw dahil walang pinipiling edad ang heat stroke.
"Kapag ganitong panahon at nabilad sa matinding init ng araw ang isang katawan, nawawalan ng ability na i-regulate ng ating katawan 'yung init na pumapasok sa ating katawan. So kapag nagtagal iyon, maari talagang mauwi sa kamatayan. ‘Yun ang tinatawag nating heat stroke,” sabi ni Dr. Rheuel Bobis, spokesperson ng Department of Health-Center for Health Development Region 1. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
60-anyos na magsasaka, natagpuang patay sa bukid dahil umano sa heat stroke sa Ilocos Sur
Mayo 2, 2023 2:44pm GMT+08:00