Dalawang sa apat na persons under police custody (PUPCs) na tumakas mula sa selda ng isang police station sa Zamboanga City ang nasa kustodiya na ulit ng mga awtoridad.
Nakilala ang dalawang PUPCs na sina Raymond Fernandez, 38, at Roget Ocampo, 22, ayon sa ulat ni At Home With Regional TV host Cyril Chaves ng GMA Regional TV Cagayan de Oro sa Unang Balita nitong Martes.
Naaresto si Fernandez sa hot pursuit operation, habang boluntaryo namang sumuko si Ocampo, base sa impormasyong nakalap ng GMA Regional TV One Mindanao.
Tinutugis naman ang dalawa pang PUPCs na kasabay nilang tumakas noong Linggo ng gabi, Abril 29, mula sa Zamboanga City Police Office (ZCPO) Police Station 8 sa Sinunuc.
Sila ay kinilalang sina Ronnel Napalcuz, 25, at Paul Damasain, 24.
Ayon sa pulisya, nilagare umano ng mga PUPCs ang steel bars ng kanilang selda at tumakas.
Nakita raw sa CCTV na ang asawa ni Damasain ang nagdala ng axe o blade na siyang ginamit umano sa paglagare sa steel bars.
Inaresto na ang asawa ni Damasain at isinailalim sa inquest.
Ayon naman sa spokesman ng ZCPO na si Police Lieutenant Colonel Paul Andrew Cortes, pinaiimbestigahan na ng kanilang pamunuan ang insidente.
"Base rin sa interview sa ibang mga PUPCs and also sa CCTV, nakalusot lang talaga during the inspection na baka hindi ito nakita talaga," ani Cortes.
"Pinapaimbestiga na ng city director bakit nangyari itong may nakatakas. Magkakaroon talaga ng administrative sanctions sa mga duty dito sa police station," dagdag niya. —KG, GMA Integrated News