Kung may mga salitang slang ng mga conyo at Gen Z na hindi maintindihan, mas pinalalim pa ng dalawang magkaibigan ang gay language na sila lang ang nakakaunawa sa kanilang TikTok videos.
Sa ulat ni Ian Cruz sa "State of the Nation," ipinakilala sina Ruzzel Juanillo a.k.a. Chariz at Mark Oliveros bilang si Yes na Yes for You, na content creators mula sa Cavinti, Laguna.
“Gumawa ako ng sarili kong language kasi ganyan ‘yung language nilang gay lingo sa probinsya, hindi ko maintindihan. Para pare-pareho na kaming hindi magkaintindihan,” sabi ni Oliveros.
“Mas in-exagge pa namin, mas pinalalim namin ‘yung gay language namin para hindi kami mas maintindihan kapag may pinagchi-chismisan kami. Hanggang sa dinala na namin siya sa social media,” sabi ni Juanillo.
Kahit hindi sila maintindihan, kinagigiliwan pa rin sila ng netizens.
Para maka-relate ang kanilang followers, gumagawa na rin sila ng translation videos.
“Papahabain mo kahit wala namang meaning… Ang pinaka-importante ‘yung key word,” sabi ni Juanillo. —LBG, GMA Integrated News