Sugatan ang isang menor de edad na estudyante matapos siyang masalpok ng humaharurot na motorsiklo habang tumatawid sa harapan ng isang eskuwelahan sa San Fernando, Cebu nitong Lunes.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV camera na sabay-sabay na tumatawid ang ilang estudyante sa harapan ng isang paaralan sa Barangay Sangat.
Tumigil naman ang mga sasakyan para pagbigyan ang mga estudyante na makatawid. Pero bago pa man makarating sa kabilang bahagi ng kalsada ang isang estudyante, sinalpok siya ng isang motorsiklo na minamaneho ni Venz Clifford Eranes Sultan, 25-anyos.
Ayon sa pulisya, sinabi umano ni Sultan na hindi niya nakita ang estudyante.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang estudyante at nalaglag sa motorsiklo si Sultan.
Parehong nagtamo ng pinsala sa katawan ang biktima at ang rider na dinala sa ospital.
Ayon kay Ricci Angeles, lider ng Rizal Aerox Riders Club, dapat awtomatikong magmenor o magbagal sa takbo ang mga motorista kapag nasa school zone.
Para kay Angeles, maling-mali ang rider na nakabangga sa estudyante kung pagbabatayan ang kuha ng video.
"Kapag nakita niyo nang may school, ke labasan ng estudyante or not, may pedestrian [lane] o walang sign, better na mag-slowdown talaga," payo niya. --FRJ, GMA Integrated News