Arestado ang tatlong katao, kabilang ang isang bugaw, matapos mabisto ng mga awtoridad ang isang restobar sa Lemery, Batangas na ginawang pugad ng prostitusyo. Sampung babae ang nasagip, kabilang ang isang menor de edad.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood ang pagdakip ng National Bureau of Investigation – Batangas sa kanilang target na naglalako ng babae matapos tanggapin ang pera sa loob ng restobar.
Ayon sa impormasyong natanggap ng NBI, ginawa lamang front ang restobar para sa prostitusyon.
Sinabi ni Atty. Giselle Garcia-Dumlao, spokesperson ng NBI, na may VIP service ang restobar kung saan puwedeng mamili ang mga customer ng mga babae, na puwede nilang dalhin sa VIP room sa halagang P2,000.
Bukod sa bugaw, arestado rin ang cashier ng restobar.
Sinampahan na ng kasong human trafficking at child abuse ang tatlong nadakip, na sinusubukang kunan ng GMA Integrated News ng pahayag. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News