May paliwanag na ang siyensiya sa kakaibang anyo at kilos ng isang tao kaya siya napagkakamalang aswang sa Panay Island. Ito ang sakit na XDP, kung saan namimilipit at walang kontrol ang isang tao.
Sa ulat ni Chino Gaston sa 24 Oras, sinabing lumabas sa pag-aaral ng National Institute of Health ng University of the Philippines-Manila, na ang sakit na X-linked dystonia-parkinsonism o XDP, ay nagmula sa mga isla ng Panay sa Visayas.
“Gagamitin po ang agham, ang siyensiya, unang una para matanggal ang myth tungkol sa aswang sa Panay Islands kasi ‘yan ay isang genetic condition, it’s a genetic condition, it has a genetic basis and it causes the condition of X-linked dystonia-parkinsonism,” sabi ni Dr. Eva Naria Cutiongco-de la Paz.
Dagdag ni De la Paz, may mga pagkakataon na ang mga Pilipino na makapag-ambag sa global research sa mga kakaibang sakit sa Pilipinas.
Ang XDP ay tinatawag ding “lubag” sa lokal na pananalita, na una nang pinag-aralan noong dekada 60s.
Namimilipit at walang kontrol ang isang tao na may XDP, at apektado ang kaniyang buhay kundi pati ang kaniyang pamilya.
Walang lunas at palala nang palala ang kaniyang kondisyon ng pasyente sa XDP habang tumatanda. Namamana ang kondisyon dahil isa itong genetic disease.
Kamakailan, naging viral ang kuwento ni Jeffrey, isa sa mga tinamaan ng sakit. Paniniwala niyang namana niya ang sakit mula sa ama na tubong Iloilo.
“Depressed. Stress. Pagod. Hirap,” sabi ni Jeffrey, na hirap sa pagsasalita.
Gamit ang mga gene sequencing machine at iba pang mga makabagong teknolohiya, nakapaglikha ng proseso para makita sa isang tao kung meron itong XDP o kung posible itong maipasa sa mga anak.
Mahalaga ang maagang deteksyon at pamamahagi ng kaalaman sa ibang bansa sa paghahanap ng lunas sa sakit dahil mga Pilipino o ang mga may lahing Pinoy mula sa Panay Islands lang ang apektado. —LBG, GMA Integrated News