Hinahangaan ang isang 10-anyos na batang Pinay na tila isang “human walking calendar,” dahil kabisado niya ang mga petsa at araw mula 1582 hanggang taong 9999.
Sa ulat ni Chino Trinidad sa 24 Oras, ipinakilala si Jeanne Arcinue na tubong Albay.
Bigyan lamang si Arcinue ng petsa at taon, malalaman na niya agad kung saang araw ito natapat sa kalendaryo.
“Palagi ko lang siyang inuulit tsaka tini-training ko po,” sabi ni Arcinue tungkol sa kaniyang sikreto.
Sa kasalukuyan, ang pinakabatang “walking human calendar” na nasa Indian Book of World Records ay si Svanik Kanekar, na kayang sagutin ang random dates mula 2017 hanggang 2019.
Kaya naniniwala si Robert Racasa, pioneer ng Philippine Memory Games at coach ni Arcinue, na mas malawak ang kakayahan ng batang Pinay.
“Ang na-memorize niya magmula December 15, 1582 hanggang December 31, 9999. Ang equivalent noon is 3,024,076 dates. More than three million dates ang nasa utak [ni Jeanne],” sabi ni Racasa.—LBG, GMA Integrated News