Hindi na nakapalag ang isang lalaki sa Sto, Tomas City, Batangas nang arestuhin ng mga pulis matapos ireklamo ng panggagahasa sa kaniyang tatlong-taong-gulang na apo. Ang suspek, dati na palang nasangkot sa panggagahasa ng buntis.
Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, ikinuwento ng ina ng biktima na iniwan niya sa kaniyang 42-anyos na ama ang kaniyang anak para makapagtinda siya ng kandila sa simbahan noong Linggo.
"Iniwan ko po ang aking anak sa aking tatay, hinabilin ko po siya. Sabi ko, 'Pa, pabantay naman po ng aking anak at ako po'y magtitinda," ayon sa ginang.
Pero nakaramdam umano siya na hindi mapakali kaya umuwi siya ng bahay. At habang nililinisan niya ang kaniyang anak, napansin niya na namamaga ang maselang bahagi ng katawan ng bata.
Kaagad daw na dinala ng ginang ang kaniyang anak sa pagamutan para ipasuri, at doon na nila natuklasan ang ginawang paglapastangan sa bata.
Ikinuwento rin umano ng bata ang ginawa sa kaniya ng kaniyang lolo.
Kasama ang chairman ng barangay, nagtungo ang ginang sa pulisya para i-report ang pangyayari.
Ayon sa pulisya, ipinasuri ang bata at lumabas sa resulta ng medico-legal na positibong ginalaw ang biktima.
Natuklasan din na hindi iyon ang unang pagkakataon na inabuso ang bata.
Ayon pa sa mga awtoridad, nasangkot na noon sa panggagahasa ang suspek sa isang buntis pero hindi na umano nagsampa ng reklamo ang biktima.
Nang madakip ang suspek, inamin nito ang ginawang panghahalay sa apo.
Humingi ng tawad ang suspek pero desidido ang ina ng bata na magsampa ng kaso laban sa kaniyang ama. --FRJ, GMA Integrated News