Masayang ipinagdiwang ang Buhusan Festival 2023 sa bayan ng Lucban, Quezon ngayong Linggo ng Pagkabuhay o Easter Sunday.

Kinaugalian na ng mga taga-Lucban ang pagbubuhusan tuwing Linggo ng Pagkabuhay. Tanda raw ito ng paglilinis sa kasalanan. Sa mga nakatatanda naman ang pagbubuhusan ay simbolo raw ng pagbibinyag para sa mga Romano Katolika.

Sa paglipas ng panahon ay nagkaroon na ng iba’t-ibang paraan ng pagdiriwang ang mga taga-Lucban.

Ngayong taon ay nagkaroon ng magarbong costume parade. Kalahok sa costume parade ang mga kawani ng local government unit, mga NGO, at mga residente. Mayroon ding mga karosa na mayroong magkakaibang tema. Sabay sa buhos ng ulan ang buhos ng tubig mula sa mga fire trucks ng BFP Lucban. Matapos ang costume parade ay nagkaroon ng foam party sa plaza sa harapan ng gusali ng municipal hall.

Aabot sa limang libong tao ang nakisaya sa Buhusan Party. Mayroon pang mga dumayo mula sa ibang bayan tulad ng Laguna, Lucena City, Sariaya, Atimonan, Tiaong at Batangas. Masayang-masaya ang lahat, habang sabay-sabay na nagkakantahan at nagsasayawan na binobomba ng tubig ng bumbero. Nagkaroon din ng mini-concert ng artist mula Maynila.

Matapos ang Buhusan Party ay kanya-kanya nang kasiyahan sa kanilang tahanan ang mga taga-Lucban. — BM, GMA Integrated News