Patay ang pitong magkakamag-anak at 60 pamila ang nawalan ng tahanan sa sunog sa Taytay, Rizal na sumiklab gabi ng Sabado de Gloria.
Iniulat ni Luisito Santos ng Super Radyo dzBB nitong Easter Sunday na nakulong umano ang mga biktima sa loob ng kanilang bahay sa Barangay San Juan dahil mabilis na kumalat ang apoy na sumiklab dakong 9:43 ng gabi at naapula dakong 11:04 p.m.
Kabilang sa pitong namatay ang isang 2-anyos na bata at 60-anyos na senior citizen.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP)-Rizal
JUST IN: 7 magkakamag-anak, napaulat na nasawi sa nangyaring sunog sa isang residential area sa Brgy. San Juan, Taytay, Rizal. | via @luisitosantos03
— DZBB Super Radyo (@dzbb) April 9, 2023
(????: Taytay PIO/FB) pic.twitter.com/DtJp9lReAr
Natagpuan ang mga labi ng pitong biktima banda sa kusina at sa may kubeta ng kanilang bahay, ayon kay Fire Inspector Raymond Cantillon.
Dagdag ng ulat, 40 na kabahayan ang nasunog at aabot sa 60 na mga pamilya ang nawalan ng tirahan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Taytay Fire Station, sinikap ng mga biktima na makalabas ng bahay pero nabigo sila dahil nasa pinakadulo ng eskinita ang kanilang bahay at nabalot na ng apoy ang mga kabahayan sa may bungad ng daanan.
“Eskinita kasi ‘yun -- one way in, one way out. Nagsimula ang sunog sa bungad na bahay at malaki na siya at hindi nakalabas ang mga biktima natin,” pahayag ni Cantillon sa panayam ng dzBB.
“Wala nang matakbuhan at karamihan ng harap na bahay ay gawa sa light materials kaya mabilis na kumalat ang apoy,” dagdag ni Cantillon.
Nasa Barangay San Juan Gym sa kasalukuyan ang mga nasunugan, ayon sa ulat.
Iniimbestigahan pa an ng mga taga-BFP Taytay ang sanhi ng sunog at ang pinsalang iniwan ng apoy. —may kasamang ulat si Giselle Ombay/LBG, GMA Integrated News