Isa ang patay, at siyam ang sugatan nang salpukin ng isang kotse na minamaneho ng isang menor de edad ang dalawang tricycle at isang motorsiklo sa Lipa City, Batangas.

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, makikita ang kuha sa CCTV camera ang mabilis na pagsulpot ng kotse sa Barangay Mabini bago nito nabangga ang mga biktima.

Nasawi sa naturang trahediya ang 17-anyos na lalaki na driver ng kotse, at residente ng Barangay Cumba sa nasabing lungsod.

Ayon sa pulisya, unang nabangga ng kotse ang isang tricycle na may apat na sakay na pawang magkakamag-anak.

Sunod nitong nabangga ang isa pang tricycle na may apat ding sakay, at nadamay ang isang motorsiklo na may sakay na rider.

Kasalukuyang nagpapagaling sa magkakaibang ospital ang mga biktima.

Sinabi ng pulisya na nakikipag-ugnayan na umano ang pamilya ng nasawing driver ng kotse sa mga biktimang nasugatan.

Umaasa ang mga nasugatan na matutulungan sila sa gastusin sa ospital.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng nasawing driver, at ang iba pang nasugatan sa insidente, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News