Natagpuang patay at tadtad ng saksak ang isang 24-anyos na babaeng graduating student sa loob ng kaniyang dormitoryo sa Dasmariñas, Cavite.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Queen Leanne Daguinsin, computer science student sa De La Salle University-Dasmariñas.

Nakita ang kaniyang duguang bangkay na may 14 na saksak sa loob ng kaniyang dormitoryo sa Barangay Santa Fe, Dasmariñas, Cavite noong hapon ng Martes.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Juan Oruga, Dasmariñas Police chief, may indikasyon din na defense wounds ang ilang sugat na tinamo ng biktima.

Inihayag naman ng caretaker ng dormitoryo, na bago matuklasan ang krimen, nagtungo sa dormitoryo ang mga kaklase ni Daguinsin dahil hindi pumasok ang biktima.

“Nag-text sa akin yung dati kong dormer na kaibigan ng dormer ko ngayon at tinatanong kung nandito siya sa dorm. Sabi ko hindi ko pa nakikita tapos may dumating na dalawang lalaki kaklase daw sabi niya tita andyan ba [siya], sabi ko hindi ko pa nakikita wait lang aakyat ako titignan ko kinatok ko 'di siya nasagot,” ayon sa caretaker ng dormitoryo.

“Ngayon, tumawag ako sa mother niya, tapos sabi ko tita nag-chat na po ba kayo kasi di po siya ma-contact ng mga friend niya tinatanong po,” sabi niya.

“Sabi niya eh ate buksan mo yung pinto tumawag ako ng kasama tapos binuksan namin, nung binuksan namin hindi kami makapasok dahil naka double lock sa loob so sabi ni tita puntahan niyo na sa bintana, pagbukas nga po namin nakita namin na nandoon naman siya pero may dugo sa may hita,” dagdag pa niya.

Base sa CCTV footage, nakita ang isang lalaki na nakasuot ng asul na t-shirt, itim na sumbrero, at naka-face mask.

Ayon sa pulisya, walang indikasyon na ginahasa ang biktima. Pagnanakaw ang nakikitang motibo sa krimen.

“Maaari po na nagising yung biktima. Sa initial investigation po kasi nakita na yung mga gamit niya lalo na yung personal cellphone wala sa area,” ani Oruga.

Kasalukuyang, nagsasagawa ng hot pursuit operations ang mga awtoridad upang mahanap ang suspek.

Hinihingan pa ng pahayag ng GMA Integrated News ang pamilya ng biktima.

Sa isang pahayag, sabi ng pamunuan ng De La Salle University-Dasmariñas ay nakikipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad.

“We have been coordinating with the city of Dasmariñas to tighten the security measures through heightened police visibility and we will collaborate with the local government unit (LGU) to conduct thorough inspections of dormitories located near the campus,” ayon sa unibersidad.

“In the next few weeks, in coordination with the LGU, safety marshals from the school will be deployed off-campus in the vicinity of private dorms and other establishments frequented by students,” dagdag nito.

--Richa Allyssa Noriega/FRJ, GMA Integrated News