Na-late sa trabaho ang ilang empleyado ng isang paaralan sa Panganiban, Catanduanes, kabilang ang principal nito, dahil sa nakitang dalawang king cobra sa daan.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia na mapapanood din sa GMA News Feed, sinabi ng uploader at principal ng Tibo Elementary School na si Arnel Fernandez na papasok na sila sa trabaho ngunit nakita nila ang mga ahas na naglilingkisan sa gilid ng kalsada.

“Medyo natagalan kami bago makaraan doon sa [kalsada] kasi natatakot, sobrang nerbiyos ‘yung lahat, lalung-lalo na ako, takot na takot talaga, kasi tumatayo ‘yung mga ahas doon mismo sa daan. Eh one-way lang naman ‘yon, sir,” sabi ni Fernandez.

Tama lamang ang naramdamang pagkatakot ng mga tao, dahil ang king cobra ay isa sa mga pinakamakamandag na ahas sa mundo.

Mayroong neurotoxins ang kanilang venom na umaatake sa nervous system ng kanilang biktima. Nagdudulot ito ng pagkaparalisa ng puso at baga na posibleng ikamatay ng biktima.

Ayon naman sa Department of Environment and Natural Resources o (DENR), hindi banta sa mga tao ang pag-aaway ng dalawang king cobra basta hindi nagagambala ang mga ito sa kanilang ginagawa.

“Ang tawag natin doon is rival ritual. So parang ‘yong dalawang male king cobra, naga-undergo sila ng ganoong process na parang nagfa-fight din sila pero not necessarily fighting, para ma-win nila ‘yung heart no’ng kanilang magiging queen,” ani Shiela Conche ng DENR-Provincial Environment and Natural Resources Office ng Catanduanes.

Kadalasan daw na nagaganap ang mga ganitong ritwal ng mga ahas kapag nasa mature stage na ang mga ito.

Maaari rin daw na lumabas sa kanilang lungga ang mga ahas dahil sa mainit na panahon.

Nagpaalala ang mga eksperto na kung makakakita ng katulad na pangyayari, huwag lapitan ang mga ahas para makaiwas sa peligro, at huwag din silang patayin o hulihin. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News