Nalagay sa alanganin ang buhay ng ilang motorista at mga residente matapos biglang gumuho ang isang bahagi ng bundok sa Gingoog City, Misamis Oriental.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na mapapanood din sa GMA News Feed, makikita na maaliwalas at walang ulan noon nang mangyari ang landslide sa Barangay Binakalan.

Makikita sa dashcam video ang dalawang bata at tatlong babae na tumatakbo palayo mula sa bumabagsak na lupa, kung saan ang isa sa kanila ay may bitbit pang paslit.

Dahil sa landslide, nasira ang isang bahay sa tabi ng kalsada.

Kung hindi agad nakahinto ang motoristang nakahagip sa mga pangyayari, posible rin siyang nadaganan ng gumuhong lupa.

Sinabi ng mga awtoridad sa Gingoog na wala namang naitalang nasaktan sa landslide nang agad makalabas ang mga tao sa kanilang mga bahay.

Nabigyan din ng tulong ang mga residente sa lugar habang naisara ang kalsada para sa ikaliligtas ng iba pang motorista.

Makikita mula sa mga litratong nakunan mula sa himpapawid na napinsala rin ang mas mababang bahagi ng bundok matapos dumausdos pababa ang mga nabuwal na puno at mga bato.

Sinabi ng LGU na maraming bukal sa paligid ng gumuhong bahagi ng bundok at ito ang posibleng dahilan kung bakit lumambot at gumuho ang lupa sa lugar.

Agad nagsagawa ng clearing operations ang iba’t ibang ahensiyang tumulong sa pagresponde.

Nabuksan din ang kalsada kinabukasan, habang patuloy na pinag-iingat ng mga awtoridad ang mga motoristang dumaraan sa lugar. — VBL, GMA Integrated News