Kung may cherry blossoms na patok na dinarayo sa Japan, mayroon namang mga puno ng Salingogon na nakabibighani sa mala-rosas na pamumukadkad sa mga kabundukan ng Sierra Madre.
Sa ulat ni Pia Arcangel sa “Saksi,” sinabing makikita sa malapitan ang karikitan ng flower petals ng naturang puno.
Kung titingin naman sa malayo, lilitaw ang mga kulay rosas na Salingogon tree sa gitna ng berdeng kagubatan sa Masungi Georeserve.
Native o katutubong species sa Pilipinas ang mga puno ng Salingogon, na maaaring umabot sa 140 talampakan.
Namumukadkad ang kanilang mga bulaklak mula Marso hanggang Abril, na halos sabay sa sakura o cherry blossoms ng Japan.
Kabilang sa mga hamon sa pagpapalaki ng mga puno ng Salingogon ang epekto ng climate change at pagkawala ng ilang bahagi ng kagubatan dulot ng illegal logging at quarrying.
Pero nagsikap ang mga park ranger at iba pang kasali sa reforestation para unti-unting muling dumami ang mga puno ng Salingogon. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News