Isang lalaki na nagpaalam sa kaniyang mga kainuman na mamimitas lang ng bunga ng mangga ang hindi na nakabalik matapos malunod umano sa irrigation canal sa Bulacan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, kinilala ang biktima na si Jerico Pago, ng Baliuag, Bulacan.
Sa imbestigasyon ng awtoridad, hinihinalang aksidenteng nahulog ang biktima sa irigasyon dahil nasa gilid lang nito nakatanim ang puno ng mangga.
Nagtaka umano ang mga kaanak ng biktima nang mapansin nila na matagal siyang bumalik.
Wala pang pahayag ang mga kaanak ng biktima kaugnay sa nangyari, ayon sa ulat.
Samantala, nalunod naman sa ilog sa Barangay Mainang sa Bamban, Tarlac ang isang 12-anyos na Grade 4 pupil.
Ayon sa pulisya, nagkaayaan ang biktima na si John Michael Sebastian, at dalawang kaibigan na maligo sa naturang ilog.
Hindi raw residente sa naturang barangay ang tatlong bata kaya hindi nila alam na may malalim na bahagi sa ilog kung saan nalunod ang biktima.
Inabot din ng 12 oras ang paghahanap sa biktima dahil hindi kaagad ipinaalam ng dalawang bata ang nangyari sa kanilang kaibigan dahil sa takot.
Nagsabi lang umano ang dalawang bata na nalunod ang biktima nang hindi ito nakauwi at hinahanap ng kaniyang mga magulang.--FRJ, GMA Integrated News