Hamon ngayon sa mga opisyal ng Valencia City, Bukidnon ang pagkalat ng scabies matapos maitala ang mga kaso sa lungsod, na kinabibilangan ng mga bata.
Sa ulat ni Cyril Chaves ng GMA Regional TV One Mindanao sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing kinumpirma ng Valencia City Health Office ang kaso ng scabies sa lungsod.
Isinagawa na ang assessment sa Sitio Pantaron at Sitio Sumpong sa Barangay Banlag, at nakipag-ugnayan na ang City Health Office sa Department of Health para matuklasan ang tunay na sitwasyon ng scabies sa lungsod.
“We have done our part naman, on process pa ang mga medicine na bibilhin as of this time. Actually, namigay na tayo ng leaflet at IEC (information, education, and communication) materials at naka information drive na rin,” sabi ni Dr. Marlyn Agbayani, City Health Officer ng Valencia, Bukidnon.
Pangunahing sintomas ng scabies ang pangangati sa balat, mala-pimple na rashes sa anit, mukha, leeg, paa, kamay at mga singit.
Kadalasang tinatamaan ng galis ang mga bata na dulot ng human itch mite, na iba sa klase na nagdudulot ng galis sa mga hayop.
Ang scabies ay mabilis makahawa sa pamamagitan ng skin-to-skin contact sa mga tao. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News