Binaha at nagka-landslide sa ilang lugar sa Davao De Oro dahil sa pag-uulang dulot ng isang Low Pressure Area (LPA).
Sa video ng GMA Regional TV One Mindanao, na inilabas din ng Unang Balita nitong Miyerkoles, makikitang umaapaw ang isang sapa sa bayan ng Compostela, na naging sanhi ng pagbaha sa mga kalapit na kalsada.
Inilikas naman ang 26 na pamilya sa bayan ng Mawab at nawasak din ang isang tulay doon, ayon sa ulat.
Natabunan ng makapal na putik ang mga bahay at ilang kalsada sa New Bataan matapos ang paguho ng lupa sa isang lugar sa naturang bayan.
Nagka-landslide din sa munisiplidad ng Nabunturan. Ilang bahay ang nasira nang tamaan ng debris, at binaha rin ang isang gym na nagsisilging evacuation center ng mga apektado ng mga nakaraang lindol.
Ayon sa PAGASA, ang pag-uulan sa Davao De Oro ay dulot ng isang Low Pressure Area (LPA). —LBG, GMA Integrated News