Arestado ang isang aktibong pulis matapos umanong mang-holdap sa Tagum City, Davao del Norte, ayon sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao sa Unang Balita nitong Martes.
Kinilala ang suspek na si Patrolman Ralph Doria, 30 anyos, na naka-destino sa Prosperidad, Agusan del Sur.
Batay sa imbestigasyon, nagpanggap na kustomer sa tindahan ang suspek bago siya nagdeklara ng holdap. Nagtangka rin daw tumakas ang suspek nang rumesponde ang kapulisan.
"Apparently, sa kaniyang declaration, financially, ipit daw talaga siya. Parang may problema something sa pera, which resulted to sa paggawa niya ng naturang violation," ani Police Major Anjanette Tirador, deputy chief ng Tagum City Police.
Na-recover mula sa suspek ang kaniyang issued firearms, mga bala at P5,000 na cash.
Itinanggi ng suspek ang mga paratang sa kaniya. Sa kabila nito, mahaharap pa rin siya sa kasong robbery. —KBK, GMA Integrated News