Dumating na sa bansa mula sa Saudi Arabia ang ina ng apat na batang nasawi sa pananaksak ng kanilang amain sa Trece Martires, Cavite.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naiyak na lang si Virgina dela Peña habang nilalapitan ang kabaong ng mga anak na edad anim, walo, 10 at 14, na nakaburol sa Maysan, Batangas.
Labis ang kaniyang pagsisisi na ipinagkatiwala niya sa kaniyang live-in partner ang kaniyang mga anak nang magtrabaho siya sa Saudi Arabia.
"Wala na ang apat kong anak. Sana gabayan nila kami lalo na ako. Mahal na mahal ko sila. Masakit sa kalooban ko na tanggapin na wala na [sila]," ani dela Peña.
Tulala naman daw ang ama ng tatlo sa mga bata dahil sa sinapit ng mga anak na pinagsasaksak ng amain sa kanilang bahay sa Cavite noong Huwebes.
Selos ang lumalabas na motibo sa krimen.
Nauna nang sinabi ni dela Peña na nagkausap pa sila ng suspek sa cellphone bago nito ginawa ang krimen.
Narinig umano niya ang pagmamakaaawa ng kaniyang mga anak.
Tiniyak naman ng Overseas Worker Welfare Administration na hindi mahihirapan si dela Peña kapag bumalik siya sa Saudi.
Magbibigay din umano ng tulong pinansiyal ang OWWA sa pamilya. — FRJ, GMA Integrated News