Inaresto ng mga pulis ang isang 75-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ang mga kainuman sa Antipolo City. Ang suspek, may "pinagdadaanan" umano at biglang uminit ang ulo.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” ngayong Biyernes, makikita sa video na may dalawang lalaki na nagmamadaling lumabas mula sa gate ng bahay ng suspek.
Hindi pa man sila lubos na nakalalayo, kasunod na lumabas ang suspek at nagpaputok umano ng baril patungo sa direksyon ng dalawang lalaki.
Mapalad na nakaligtas ang dalawa.
Ilang beses pa umanong nagpaputok sa ere ang suspek, at maging sa direksyon ng isang aso bago pumasok sa kaniyang bahay.
Nang malaman ng pulisya ang nangyari, dumating sa lugar ang Antipolo Police Swat Team at kinakausap ang suspek upang sumuko.
Nagkulong sa bahay ang suspek pero lumabas din kinalaunan at inaresto na siya ng mga pulis.
“May pinagdadaanan itong ano natin yung suspek kasi allegedly iniwan ng asawa pati ng pamilya so mag-isa na lang siya doon,” ayon kay Antipolo police chief Police Lieutenant Colonel June Paolo Abrazado.
Patuloy na sinusubukan ng GMA Integrated News makunan ng panig ang suspek. — Richa Allyssa Noriega/FRJ, GMA Integrated News