Patay ang isang lalaki at isang babae matapos silang pagbabarilin sa Lucena City, Quezon. Ang tinitingnang motibo sa pamamaslang, ang kaugnayan ng babae sa ilegal na droga.
Sa ulat ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay 6 kung saan natagpuang nakahandusay sa kalsada sina John Carlo Leoparte at Charisse Daen na may mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Tumugon ang mga awtoridad, base sa report ng isang concerned citizen.
Dead on the spot si Leoparte, habang nadala pa si Daen sa ospital pero namatay din kalaunan.
Blangko pa ang mga awtoridad sa mga nasa likod ng pagpatay, pero ayon sa record ng pulisya, may dati nang akso si Daen na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Nagsimula nang magsagawa ng backtracking procedure ang pulisya, at inaalam kung may CCTV sa pinangyarihan ng krimen na makatutulong sa imbestigasyon.
Inalarma ng Lucena City Police Station ang patrol units at ang SWAT para sa posibleng hot pursuit operation.
Nakuha na ng mga kaanak ang mga labi ng dalawang biktima mula sa punerarya.
Sinusubukan pang kunan ng pahayag ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog ang pamilya ng mga biktima. —LBG, GMA Integrated News