Nagbayanihan ang mga mangingisda sa Barangay Tagumpay, Pola, Oriental Mindoro sa paglalay ng palapa ng niyog sa tabing-dagat bilang pangharang mula sa kumalat na langis ng lumubog na motor tanker MT Princess Empress.
Kabilang ang bayan ng Pola sa mga lugar na apektado ng oil spill, ayon sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na ine-report din sa Unang Balita nitong Biyernes.
Apektado na umano ang kabuhayan ng ilang mga mangingisda dahil imbes na isda, makapal at maitim na langis ang nahahango nila mula sa dagat.
Pahayag ng mangingisdang si Rico Mendez, "Talagang pinangangalagaan namin ang aming karagatan dahil nandiyan lahat ang mga protected area."
Nangangamba umano ang mga mangingisda na nalason na ang mga lamang-dagat dahil sa oil spill.
Samantala, puspusan naman ang paglilinis ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa oil spill sa mga parte ng dagat na lubhang naapektuhan.
Gumagamit na sila ng aparato na humihigup ng langis na kumakalat na sa karagatang sakop ng apat na bayan sa lalawigan.
Ayon sa Marine Environment Protection Unit ng PCG, may nakuha nang malapot, maitim, at mabahong langis sa lugar kung saan lumubog ang barko.
Nag-spray na rin ang PCG ng oil dispersal chemical, sabay ang paikusap sa mga residente sa mga apektadong lugar na lumayo muna sa mga baybayin.
Ipinag-utos na rin sa mga LGU na kordonan ang mga apektadong lugar.
Samantala, Bumuo na rin umano ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng task force na tututok sa oil spill.
"Hasten the cleanup to prevent further impact on coastal and marine biodiversity, especially as well, on the livelihoods of the local communities," pahayag ni Secretary Toni Yulo-Loyzaga. —LBG, GMA Integrated News