Patay ang isang lalaki sa Cagayan de Oro City matapos mahulog sa kuweba kung saan siya nanngunguha umano ng mga pugad ng cave birds na kaniya sanang ibebenta.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na ini-report din sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing aksidenteng nahulog ang biktima sa isang kuweba sa Barangay Dansolihon ng lungsod.
Gumamit pa umano ng lubid ang mga tauhan ng Rescue and Retrieval (RAR) team upang maiahon ang bangkay ni Efren Pulida mula sa isang bahagi ng kuweba na may lalim na 200 talampakan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nangunguha umano ng pugad ng ibon si Pulida para ibenta nang mahulog siya.
Ayon kay S/inspectror Sam Lawrence Velarde, hepe ng BFP-SRU, "Kailangan talaga dito ang experience at training kasi merong mga procedure [sa pagpasok ng kuweba] na napaka-risky."
Naniniwala naman ang pamilya ng biktima na walang foul play sa kanyang pagkamatay. —LBG/FRJ, GMA Integrated News