Magkatabing pinaglalamayan sa kanilang tahanan sa Nueva Ecija ang mag-amang nasawi matapos tamaan ng magkadikit na gulong na nakalas mula sa isang umaarangkadang truck.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Miyerkules, kinilala ang mga biktima na sina Elpidio Santos Sr., at anak niyang si Antonio, residente ng Barangay Tabuating sa San Leonardo, Nueva Ecija.

Nakaupo umano sa gilid ng daan ang mag-ama habang naghihintay ng masasakyan papuntang Bulacan nang mangyari ang hindi inaasahan.

"Nakita ko kapatid ko may tama sa ulo, malaki ang damage. Akala ko binaril. Nakita ko tatay ko ganun din may damage sa ulo, akala ko rin binaril. Hindi namin napansin yung gulong na tumama sa kanilang dalawa tumapon [tumilapon] sa kapitbahay namin," ayon kay Elpidio Jr.

Hustisya ang panawagan ng pamilya dahil hindi pa nahahanap ang driver ng truck.

"Ang gusto namin gastusin niya ang pananagutan sa tatay ko, at sumuko siya. Unang-una malaki ang nawala sa amin sa pamilya. Hanggang ngayon, hindi namin ma-trace kung nasaan sila," ani Elpidio Jr.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente para matukoy at mahanap ang driver ng truck.--FRJ, GMA Integrated News