Laking panghihinayang ng isang magsasaka matapos na may bumunot at nakawin ang kaniyang pinaghinarapang mga tanim na sibuyas sa Moncada, Tarlac.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa kalahating hektaryang taniman ni Ruel Santiago sa Barangay Pantol Sapang.
Makikita pa sa lugar ang ilang naiwang tanim na sibuyas na binunot ng mga hindi pa kilalang salarin.
"Sobrang nanghihinayang, kahit anong gawin natin ay hindi na maibabalik kasi wala ring ebidensya. Nagagalit yung asawa ko, gustong umiyak pero ano pang magagawa mo kahit umiyak sabi ko," ayon kay Santiago.
Aabot umano sa P50,000 ang nawala kay Santiago dahil sa ninakaw na mga tanim. Malaki umano ang gastos niya sa pagtatanim ng mga naturang sibuyas.
Ipinagpasa-Diyos na lang ni Santiago ang insidente at hindi na siya nagsumbong sa mga pulis.
"Sana po huwag na nilang ulitin sa iba kasi nakuha na nila yung gusto nila. Para fair lang ang laban kumayod sila nang naaayon," pakiusap niya. --FRJ, GMA Integrated News