Sa kulungan ang bagsak ng tatlong katao matapos maaktuhang nagluluto umano ng karne ng aso sa Angeles City, Pampanga.
Sa ulat ni JP Soriano sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita ang ilang larawan ng aakalaing simpleng karne sa unang tingin, ngunit karne na pala ito ng aso.
Nadatnan ng dog pound division ng Angeles City Veterinary Office ang kaawa-awang sinapit ng aso sa isang residente sa Barangay Lourdes Sur matapos silang makatanggap ng sumbong.
“Nagmadali po ang mga empleyado ng city vet hoping pa po kami na madatnan naming buhay ang aso. Pagkakita po roon, nabalatan na po, na-grill na po,” sabi ni IC Calaguas, chief adviser ng Office of the City Mayor.
Sa ilalim ng Animal Welfare Act, bawal ang pagpatay, pagkatay at pagkain ng aso, pusa at iba pang hayop na hindi pinahihintulutang kainin.
Inihahanda na ang mga kaukulang reklamo laban sa mga dinakip dahil sa pagkatay at pagluto ng aso.
Pinuri ng Animal Kingdom Foundation ang mabilisang pagtugon ng Angeles City LGU. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News