Labis na ikinalungkot ng pamunuan ng Cultural Heritage Preservation Office (CHPO) ng Tayabas City sa Quezon nang matuklasan na binakbak o sinira ang bahagi ng makasaysayang Malagondong bridge.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Biyernes, sinabing kabilang ang naturang tulay sa mga idineklarang National Cultural Treasure (NCT) ng National Museum.
Ayon kay Koko Pataunia, ng CHPO-Tayabas City, masakit na makita na may bahagi ng makasaysayang tulay ang sadyang tinibag ng tao.
"Malungkot nung malaman namin na nangyari 'yan. Kasi first time sa history ng Malagonlong na sinira siya na hindi gawa ng kalamidad, bagkus, gawa ng tao," sabi ng opisyal.
Hindi pa alam ng CHPO kung sino ang nasa likod ng pagsira sa tulay. Pero nakipag-ugnayan na raw sila sa pulisya para magsagawa ng imbestigasyon.
Taong 1841 nang gawin ang tulay at natapos noong 1850. Gawa ang tulay sa adobe, lime stones at river stones.
Ayon kay Pataunia, ang tulay ng Malagonlong ang bukod-tanging natitirang pinakamalaki at pinakamahabang tulay na bato na ginawa noong panahon ng mga Kastila.
Dahil sa isa itong historical landmark, hindi basta-basta ang isasagawang pagkumpuni sa sinirang bahagi ng tulay.
Nakikipag-ugnay na umano ang CHPO sa national government para sa tamang pamamaraan ng gagawing restorasyon ng tulay.
Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa publiko na tulungan silang mapangalagaan ang mga estrukturang bahagi ng kanilang kasaysayan.
Napag-alaman na bukod sa Malagonlong, may 10 pang Spanish-era colonial bridges ang napreserba sa Tayabas na idineklara ring National Cultural Treasure (NCT) ng National Museum: ang Puente de Lakawan, Puente de Mate, Puente de Don Francisco de Asis, Puente de Gibanga, Puente de la Ese, Puente de la Princesa, Puente de Alitao, Puente de Isabel II, Puente de las Despedidas, at Puente de Tumuloy o Bai.-- FRJ, GMA Integrated News