Nakunan sa video ang pananakal ng isang lalaking estudyante sa isang kapwa kamag-aral na nangyari sa loob mismo ng Ateneo de Davao University Junior High School sa Davao City. Ang pamunuan ng paaralan, iniimbestigahan na ang insidente.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din ni Vonne Aquino sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, mapapanood ang tila pag-headlock o pagsakal ng isang lalaking estudyante sa kaniyang kaeskwela.
Inawat na lang ang lalaking sumasakal ng estudyanteng kumukha ng video, matapos nitong mapansin na labis nang nasasaktan ang kanilang kamag-aral.
Nangyari ito sa loob ng CR ng paaralan, base sa imbestigasyon.
"School authorities have met with these students and their parents, and an investigation is ongoing," sabi ng Ateneo de Davao University Junior High School sa isang pahayag.
"Appropriate interventions are being implemented based on the Ateneo de Davao Junior High School Student Discipline Code, the DepEd Child Protection Policy, and the Data Privacy Act of 2012. We ask everyone to respect the privacy of the students and their families and to avoid engaging in misinformation," saad pa ng paaralan.
"Rest assured that the ADDU Junior High School maintains a safe learning climate for our students. Misbehavior will not be tolerated. If warranted, disciplinary sanctions will be imposed after due process," dagdag ng eskwelahan.
Patuloy na iniimbestigahan ang sanhi ng insidente. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News