Isa ang patay, habang tatlo ang sugatan nang mauwi sa insidente ng pamamaril ang bugbugan na nahuli-cam sa labas ng isang resto bar sa San Jose City, Nueva Ecija.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ang nasawi dahil sa tinamong tama ng bala na si John Cedric Carani.
Sugatan din sa tama ng bala ang kasama niyang sina Paulo Abion at Jayson Ballesteros, na nagpapagaling pa sa ospital.
Inaresto naman at kakulong ang kasama nilang si Dominic Arizala, na kabilang umano bumugbog kay John Joshua Morales, na nagtamo naman ng mga sugat at bukol sa mukha at katawan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nangyari ang insidente sa labas ng isang resto bar sa Barangay Malasin sa lungsod ng San Jose.
Sa kuha ng CCTV, makikita si Morales na pinagtutulungan ng isang grupo ng mga lalaki.
Maya-maya lang, dumating ang sinasabing kasama ni Morales na si Sierramon Dalimos, tubong Alaminos Pangasinan, na armado ng baril at pinaputukan ang mga kalalakihang umatake sa kanila.
Ayon kay Police Corporal Mark Lester dela Cruz, ng San Jose City Police Station, parehong nakainom ang dalawang grupo.
Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad si Dalimos na tumakas matapos ang insidente.
Hustisya ang hiling ng mga kaanak ng nasawing si Carani. Hindi naman nagpaunlak ng panayam ang nakadetineng si Arizala, habang wala pang pahayag sina Abion at Ballesteros. --FRJ, GMA Integrated News