Walong lalaki ang arestado matapos silang maaktuhan ng mga awtoridad na kinakatay ang mga pawikan sa Sulu. Kabilang sa kinatay ang isang hawksbill sea turtle na critically endangered na.

Sa ulat ni Jestoni Jumamil sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing 15 pawikan ang kinatay ng mga suspek sa baybayin ng Barangay Bubuan sa Hadji Panglima Tahil.

"Patay na lahat [ng pawikan] at may na-recover pa kaming mga buto. Ang nakalulungkot dito, may isa doon critically endangered na species yung hawksbill turtle and the rest are green sea turtle," ayon kay Police Major Joel Senogat Jr., Station Chief ng Sulu Maritine Police Station.

Lumabas sa imbestigasyon na nakatakda umanong ibenta ng grupo ang kinatay na mga pawikan sa Tawi-tawi.

Nakumpiska rin ang limang motorized banca at mga gamit sa panghuhuli ng grupo.

"May buyer sila from Tawi-tawi daw, parang ita-transport nila somewhere between Tawi-tawi and Palawan area at Chinese ang kukuha doon. Hindi lang matukoy kung magkano ang bentahan talaga," dagdag ni Senogat.

Sasampahan ng reklamong paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang mga suspek.--FRJ, GMA Integrated News