Umakyat na sa tatlo ang namatay habang nasa ospital sa insidente ng pagsabog ng granada sa nitong Miyerkoles ng gabi sa Cavite City.
Nauna nang iniulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes na dalawa na ang patay sa insidente ng pagsabog sa may Ronquillo Compound sa Barangay 9 ng lungsod.
Isa isang update ng mga pulis, sinabing umakyat na sa tatlo ang namatay sanhi ng sumabog na granada na nabitawan ng isang 18-anyos na lalaki.
Sa naunang ulat, sinabing kabilang umano ng isang grupo ng kalalakihan ang 18-anyos na may dalang granada. Nasangkot daw sa rambolan ang grupo sa kabilang barangay at hinahabol ng mga tanod upang sawayin, ayon sa ulat.
Ayon kay Ramil Ronquillo, barangay captain ng Barangay 9, "Yung isang batang may hawak ng granada ay inabutan ng mga tanod dun sa may poste. Yung mga humahabol balak sigurong agawin yung granada. E, siguro, biglang nabitawan kaya sumabog."
"kaya yung lima, sabay-sabay silang tinamaan lahat," dagdag ni Ronquillo.
Ayon naman kay Police Captain Ana Marie Francisco, Deputy Chief, Cavite Police: "May commotion, nagrambolan yung dalawang grupo ng kabataan. Unang rumesponde yung mga barangay tanod ng Barangay 11. Naabutan nila yung isang grupo, at nakita ng mga tanod na yung isa sa miyembro ng grupo ay may hawak na granada. Nung kinumpronta ang may hawak ng granada ay nagkaroon ng biglang pagsabog."
Ayon sa ulat, agad na dinala sa ospital ang mga sugatan. Kalaunan ay binawian ng buhay ang isa sa mga nasabugan na 26-anyos. Namatay rin madaling-araw nitong Huwebes ang isa pang sugatan habang nasa ospital.
Dagdag pa ng ulat, nasa maayos na kalagayan ang ilan pang nasugatan, kabilang ang isang kagawad at isang barangay tanod.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente. —LBG, GMA Integrated News