Nasawi ang isang 12-taong gulang na bata matapos niyang aksidenteng maputukan ang sarili ng baril na kaniyang dinala sa eskwelahan nitong Huwebes sa San Jose Del Monte City, Bulacan.
Kinumpirma ni Police Lieutenant Colonel Ronaldo Lumactod, chief ng San Jose Del Monte City Police na binawian ng buhay ang bata sa ospital bandang ala-una ng hapon dahil sa tinamong tama ng bala, ayon sa ulat ni Luisito Santos ng Super Radyo dzBB.
Ayon pa kay Lumactod, may mga narekober na shrapnel ng bala mula sa utak ng biktima.
FLASH REPORT: 12-taong gulang na estudyante na aksidenteng mabaril ang sarili sa eskuwelahan sa San Jose del Monte City, Bulacan, pumanaw na, ayon kay PLt Col Rannie Lumactod, San Jose Del Monte City chief of police. | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/J3J1AADQ8H
— DZBB Super Radyo (@dzbb) January 26, 2023
Sa naunang panayam sa Dobol B TV, sinabi ni Lumactod na ang baril ay pagmamay-ari ng tatay ng bata, na isang pulis.
Nangyari ang insidente 5:40 ng umaga sa Benito Nieto Elementary School ng Barangay Muzon ng nasabing lungsod.
Dinala ng bata ang baril papasok sa eskwelahan nang hindi umano nalalaman ng kaniyang tatay.
"Rapaciously nakuha ng bata 'yung baril ng kaniyang ama at dinala niya sa kaniyang eskwelahan kung saan siya nag-aaral. At ito pong bata ay pang-umaga," sabi ni Lumactod.
Base sa imbestigasyon, pumunta sa comfort room ang bata.
Ilang saglit pa, narinig ng mga guro na may pumutok sa palikuran. Nang puntahan, nakita nila ang duguang bata.
Agad nila itong isinugod sa ospital.
Ayon kay Lumactod, tumagos ang bala mula sa baba papunta sa ilong ng bata.
Base pa sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, nalulong umano ang bata sa online games.
"Siguro ang akala ng bata ay the same ang extent ng damage doon sa kaniyang nilalaro dito sa tunay na buhay," sabi ni Lumactod.
"Sa online gaming, kapag tinamaan ka, mabubuhay ka ulit. Pero dito sa totoong buhay, 'pag tinamaan ka, wala na pong balikan po 'yan," dagdag ng opisyal.
Iniimbestigahan din ng pulisya kung paano naipasok ng bata sa eskwelahan ang baril. —LBG/VBL, GMA Integrated News