Ipinasuri sa health center ang isang 14-anyos na lalaki sa Dagupan City, Pangasinan dahil sa pananakit ng pribadong parte ng katawan at puson. Doon nalaman na naimpeksiyon ang binatilyo at saka umamin na minolestiya umano siya ng isang miyembro ng LGBTQ community na person with disability din o PWD.

Sa ulat ni Claire Lacanilao ng GMA Regional TV “One North Central Luzon” nitong Lunes, sinabing umamin ang biktimang itinatago sa pangalang Ramil, na limang ulit umano siyang minolestiya.

“Niyaya niya po ako. Tapos po pinakitaan niya po ako ng pera,” anang binatilyo.

Ayon sa ina ng binatilyo, magsasampa sila ng reklamo lalo't  hindi umano maging maayos ang pag-uusap nila ng ina ng suspek.

“Natakot din po ako kasi baka po mamaya kapag binalewala namin kami po ‘yung baliktarin na gumagawa lang kami ng kuwento. Bakit kami gagawa po ako ng kuwento, eh kahihiyan na po ‘yan ng anak ko. Kalat na kalat na po sa buong baryo,” saad ng ina ng binatilyo.

“Hindi po ako gagawa ng kahihiyan ng anak ko kung kuwento-kuwento lang. Totoo ‘yan sabi kong ganyan. Kaya nga po pinakita ko ‘yung mga papel may mga ebidensya po ako na galing sa center,” aniya pa.

Pero sabi ng ina ng suspek, walang katotohanan ang ipinaratang sa kaniyang anak. Gayunman, nais daw niyang makipag-ayos sa ina ng biktima.

“Gusto kong humingi ng [tawad] kung ano ang nasabi ko… pero ang sinasabi nila walang katotohanan, ‘yung sinabi nilang minolestiya,” dagdag pa ng ina ng suspek.

Ayon sa lider ng barangay, humingi sa kanila ng payo ang ina ng biktima.

“Humingi ng advice sa amin kasi bago sila pumunta dito parang ayaw naman siguro ng iskandalo ng nanay, pinuntahan muna ‘yung magulang ng suspek. Pero parang nagalit yata,” ayon kay Rhodora Sampaga, VAWC officer ng Barangay Bonuan Gueset.

“Kaya pumunta sila dito at humingi ng advice. Ang sabi ko sa kanila puwedeng i-blotter natin at kayo ang mag-decide kung i-endorse naming kayo sa CSWD,” sambit pa niya.

Samantala, kinumpirma rin ng pulisya na na-report na ang insidente sa kanilang himpilan at kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News