SARIAYA, Quezon - Dead on the spot ang isang mangingisda habang isa naman ang sugatan matapos silang pagbabarilin habang nangingisda sa karagatan sa pagitan ng Quezon province at Batangas nitong Huwebes ng gabi.

Nakilala ang nasawing biktima na si Alvin Protacio, 32-anyos.

Kuwento ni Charlon Ramirez, isa sa mga nakaligtas, kasalukuyan silang nanghuhuli ng isda nang lumapit ang isang grupo ng kalalakihan na armado ng baril.

Akala raw nila ay mag-iinspeksiyon lang ang mga ito at hihingi ng isda. Hindi naman daw nagpakilala ang mga ito.

Aalis na raw sila nang bigla na lang silang paputukan. Dali-dali raw silang dumapa at umalis sa lugar subalit hinabol sila ng grupong armado.

Doon na tinamaan ng bala si Protacio, na dahilan para siya ay mabawian ng buhay.

Tinamaan rin ng bala ang isa pang mangingisda na nakilalang si Teody Libres.

Sa takot ng ibang kasama sa bangka na tamaan din ng bala ay nagtalunan ang mga ito sa dagat at sumisid hanggang sa sila ay makalayo at makahingi ng tulong sa mga barangay officials.

Agad na isinugod sa pagamutan si Libres. Ligtas na ito ngayon sa kapahamakan.

Hustisya ang panawagan ng ina ni Protacio na si Nanay Alice. Sana raw mapanagot ang mga pumatay sa kanyang anak. Hindi raw ilegal na mangingisda ang grupo ng kanyang anak.

Pinuntahan ng mga awtoridad ang pinangyarihan ng insidente upang mag-imbestiga, ayon kay G. Sherwin Rosales ng local government unit ng Sariaya.

Doon daw nila naabutan ang mga Bantay Dagat ng San Juan, Batangas na itinangging sangkot sila sa insidente.

Ayon naman sa hepe ng Bantay Dagat ng San Juan, Batangas na si Bong Alas-As, hindi raw sila nag-operate noong gabi na mangyari ang pamamaril. Sira raw ang kanilang mga bangka at masama ang panahon. Hindi raw niya tao ang mga itinuturo ng mga mangingisda. Hindi raw kasi lumalakad ang kanyang mga tao nang hindi niya alam. Hayaan daw sana muna na matapos ang ginagawang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) Sariaya at PNP San Juan.

Ayon naman sa deputy chief of police ng Sariaya na si Police Major Alfredo Noble II, mayroon na silang person of interest. Patuloy daw ang kanilang ginagawang imbestigasyon upang mabilis na malutas ang kaso.

Nakaburol ngayon ang mga labi ni Protacio sa kanilang tahanan. Naulila niya ang nag-iisang anak na babae na dalawang buwang gulang pa lamang. —KG, GMA Integrated News