Inaresto ang isang 69-anyos na lolo matapos niyang barilin umano ng improvised gun ang isang aso sa Villaverde, Nueva Vizcaya. Ang aso na nagtamo ng tama ng bala sa leeg, alamin kung nakaligtas.

Sa ulat ni Claire Lacanilao ng GMA Regional TV “One North Central Luzon”, sinabing nangyari ang insidente sa barangay Bintawan Sur ng naturang bayan.

Ayon sa pulisya, dalawang ulit na binaril ang aso, at tumama ang isang bala sa leeg nito. Masuwerte namang nakaligtas ang aso.

Sa imbestigasyon ng pulisya, natuklasan na wala ring kaukulang dokumento ang suspek sa kaniyang improvised na baril.

Naharap sa kaukulang kaso ang suspek na wala pang pahayag, ayon sa ulat.

“According doon sa suspek, pinatay daw nu’ng aso ng victim ‘yung kaniyang kambing, that is why binaril niya ‘yung aso. ‘Yung aso, isa lang ‘yung tama pero dalawang beses siyang pinutukan gamit ng converted na baril,” saad ni Villaverde Police Station chief Police Major Nova Lyn Aggasid.

Samantala, arestado rin ang 53-anyos na magsasaka matapos mahulihan ng pekeng sigarilyo sa Talvera, Nueva Ecijia.

Kinilala ang suspek na si Joselito Rodriguez, na residente ng Barangay Lumboy.

Nakuha sa suspek ang nasa tatlong kahon ng pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng P34,000.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines ang suspek.

Sinisikap pang makunan ng pahayag si Rodriguez ukol sa kaniyang kaso. -- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News