Isang lalaking rider ang nasawi, habang sugatan ang isa pa sa salpukan ng dalawang motorsiklo sa bayan ng Mataasnakahoy sa Batangas.

Sa ulat ni Denise Abansa sa GMA Regional TV “Balitang Southern Tagalog” nitong Miyerkoles, kinilala ang 26-anyos na biktima na si Rich Alwin Tipan, residente ng Barangay Nangkaan.

Nasawi si Tipan matapos siyang sumalpok sa kasalubong na motorsiklo habang binabagtas ang pakurbang bahagi ng kalsada sa Barangay Santol.

Ayon sa pulisya, mabilis umano ang naging takbo ng biktima na naging sanhi ng salpukan. Wala rin umanong suot na helmet ang biktima.

“Sa sobrang bilis kinain nitong vehicle 1 ni Rich Alwin ‘yung kabilang daan na kasalukuyang tinatahak din ni Isagani Orense. Na-overshoot, hindi na niya nakontrol. Nabangga niya itong si vehicle 2. After mabangga tumalsik siya at tumama ang ulo niya sa gutter,” ayon kay Mataasnakahoy Police Station deputy chief Police Captain Julius Ocampo.

Sinabi ng construction worker na si Ramon Maglana, na nagpapahinga siya sa barracks nang marinig ang malakas na sigaw na humihingi ng tulong.

“Bumangon ako, tiningnan ko. Ngayon may nakahandusay ng isang diyan. ‘Yung isa naman na kasalubong niya, doon nakaupo sa kabilang kalsada,” saad ni Maglana.

Samantala, nakaburol na ang mga labi ng biktima sa kanilang bahay.

Tumangging magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima pati na rin ang nakasalpukan niyang rider, na ayon sa kaanak, magkakaroon na raw sila ng pag-uusap ukol sa nangyaring insidente.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News