Nauwi sa disgrasya ang planong pakikipaglamay ng isang grupo nang lumubog ang sinasakyan nilang bangka sa bahagi ng karagatan ng San Jose, Camarines Sur. Sa kabutihang-palad, may napadaan na bangka sa kinaroroonan nila.
Sa ulat ng Regional TV News nitong Martes, sinabing 11 ang sakay ng bangka na galing sa bayan ng Presentacion.
Masama umano ang lagay ng panahon nang sandaling iyon at hinampas ng malalakas na alon ang bangka.
Ayon sa awtoridad, pinasok ng tubig ang bangka hanggang sa lumubog.
Mabuti na lang at may bangka na napadaan sa lugar ng mga biktima kaya sila nasaklolohan at nasagip.
Nagpaalala ang mga awtoridad na huwag nang piliting maglayag kapag masama ang panahon lalo na kung may nakataas na gale warning, na babala tungkol sa malalaking alon.--FRJ, GMA Integrated News