Aabot sa 28 na manok na panabong ang natagpuang patay at 28 iba pa ang nakita namang sugatan sa sinalakay na ilegal na e-sabungan na nakapuwesto sa mabundok na bahagi sa San Fernando, Cebu.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, isa ang naaresto sa naturang pagsalakay na kinilala ng pulisya na si Don Ceazar Aquino Caballero, 23-anyos.
Natunton ng Philippine National Police Regional Anti-Cybercrime Unit 7 ang iligal na operasyon ng e-sabong sa mabundok na bahagi ng Barangay Bugho matapos ang walong oras na police operation nitong Enero 8-9.
Nakumpiska sa lugar ang video camera, Wi-Fi router, iba pang gamit sa live streaming, mga sari-saring mga ID at perang pamusta.
Pitong suspek naman ang hinaghahanap ng mga awtoridad matapos na makatakas nang matunugan ang pagsalakay.
Pinaigting umano ang kampanya laban sa e-sabong bilang pagsunod ng pulisya sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspendido pa rin ang mga e-sabong sa bansa.
Para mas mapaigting pa ang kanilang operasyon kontra e-sabong, sinabi saad ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr., bumuo ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng multi-agency team na tututok dito.
“We need the DICT (Department of Information and Technology) para doon sa technology. The NTC (National Telecommunication Commission) should help all the law enforcement agency,” dagdag pa niya. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News